Aktibista
Naalala ko, first year ako nun noong pumasok sila kuya sa amin. Sinong kuya? 'yong mga aktibista sa aking sintang paaralan. Yun ding mismong araw na 'yon nila ako na-recruit sa LFS.
Una, ganoon din ang pagtingin ko sa mga tibak, tulad rin ng sa karamihan. Para sa akin, wala silang ginawang matino kundi mag-ingay, magpapansin, umani ng 5 sa klase at gumawa ng trapik. Pero binago ng unang pagkikitang 'yon ang persepsyon ko.
"Good morning mga classmates" Paunang bati ni kuya. Hindi ko naman alam kung dapat akong magreply ng "Good morning din, now you may go" Bwisit talaga ako sa kanila. Tinitigan ko lang. Ayun, nagsimula nang magsalita, tungkol lang naman sa kung ano-ano...history ng school namin, na ito daw ay natayo dahil sa pagsisikap at patuloy na pakikibaka ng mga aktibistang tulad nila, buti nga ulit hindi ako inatake ng pagka-Pilosopo at 'di ko na-itanong na "Mga construction worker po ba ang mga ninuno n'yo?" Hindi naman ako masyadong nakinig, busy ako sa pakikipagkwentuhan tungkol sa NBA finals, kung sino sa Boston at Lakers ang mananalo.
Hanggang sa pahagip na narinig ng tenga ko ang mga litanya n'ya "Masuwerte na tayo kung merong dalawang electric fan ang room natin, at lalong masuwerte kung parehas gumagana dahil kadalasan dalawa nga yan, ung isa sira pa. Ganyan ang kalunos-lunos na kalagayan ng eskwelahan natin" nang marinig ko yun, tumingala ako na para bang nagahahanap ng butiki para matiyak ang katotohanan sa mga salitang binitawan ni Kuya from LFS. Anak ng Putsa, totoo nga, isa lang ang umiikot na electricfan sa room namin. Dun, itinigil ko muna ang pakikipagdaldalan ko tungkol sa basketball at nakinig ako sa kanya. Parang ngayon ay nagkaka-sense na ang mga sinasabi n'ya para sa akin.
"Bulok ang mga pasilidad natin, butas ang mga bubong ng klasrum, kulang ang mga upuan at ano ang pinagkakagastusan ng Administrasyon? Iyan, (may tinuro s'ya sa baba) 'yang Linear park. Ang ganda diba? Makakapagklase ba tayo d'yan?" Oo nga naman, imbes na gastusin na lamang para sa pagpapaayos ng mga klasrum ay ginamit sa pag-papaganda ng mga kung ano-anong imprastaktura na kung tutuusi'y hindi naman kailangan at hindi naman mapapakinabangan ng mga estudyante.
"Ang gobyerno natin, imbes na unahin ang edukasyon, militarisasyon ang inuuna! Ikumpara mo ang sahod ng mga guro natin sa sahod ng mga sundalo nila, Ikumpara n'yo ang mga klasrum natin sa mga kampo nila. Alam n'yo ba na ang ginagastos sa ating mga estudyante ng pamahalaan sa loob isang araw ay 10 piso lamang samantalang ang ginagastos sa isang bala ng m-16 ay 14 piso, para san? Pambaril ng mga ibon, pang-paingay sa bagong taon." Hindi naman para sila puro ingay, may kwenta rin ang pinagsasabi nila. Hindi pala sila yung tipong nagrarally lang para di maka attend ng klase. May pinaglalaban nga sila!
"Ang Presidente natin, ang mga kawani n'ya, ayun...sarap na sarap sa de-aircon nilang opisina...samantalang tayo, heto...nag t-tyaga sa mga inaamag nang pasilidad sa nabubulok na mga classrooom. Bakit hindi nila gawan ng paraan? Imbes na pagandahin nila ang Linear Park, ang catwalk, ang Obelisk. Imbis na ilagay nila dito at gastusan ng milyon ang Mabini shrine na kung tutuusi'y hindi naman natin magagamit, sana pagtuunan na lang nila ng pansin ang edukasyon."
Bulag lang ang hindi makakakita na tama ang sinasabi n'ya.
Hihiram muna ako ng mga salita kay Prof. Aga.
Sa panahong hirap ang dinaranas natin, pagkalugmok sa sistema, pagpapahirap at pang-gigipit ng mga nasa pwesto; Sa panahong mas inuuna ng mga "Pulic Servant" ang paglilingkod sa interes ng dayuhan at mayaman kesa sa interes ng mamayan; Sa panahong hindi na karapatan ang edukasyon kundi isa nang pribilehiyo, at walang ginagawang aksyon ang pamahalaan; Sa panahong masyado nang api at busabos ang mga manggawa at magsasaka; Sa panahong ang paglaban para sa iyong karapatan ay sinasalubong ng kamay na bakal ng estado. Sa Panahon kung saan ang kabataan ay tinatawag na upang makilahok at maging parte sa pag-guhit ng kasaysayan, Ito ang panahong kinakailangan nang lumaban.
kaya,
"'wag mong itanong kung bakit sila aktibista, ang itanong mo, kung bakit hindi ka aktibista"