Sunday, July 12, 2009

Binhi ng Rebolusyonaryo.

Nabanaag ko sa iyong mga mata ang pagsabog ng ligaya.
Habang pataksil na nilisan ng mga panaghoy ang aking bibig.
Saksi ang mapanglaw na liwanag sa pagpulandit ng masaganang dugo-
kiming naghimagsik, palihim na lumuha at tagong nagpa-abot ng pakiramay.
Samantalang ang katahimikan ay nagwiwika, nagbibigay babala.
Pagbabadya na ang kapayapaan ng gabing minsa'y binasag ng aking mga sigaw
ang siya ring paghihimlayan ng poot at pighati,
pagkukublihan ng mga naganap na karahasan,
magpapahupa at hihilom ng kasawian.
Na kagyat ding mahahawi sa kanyang gunita.
Kawangis ay unos, nakiraan dulot ay pinsala-
ngunit baon ay kasiguraduhan ng pagsilang ng araw sa landas na tinahak.
Oo nga't kakambal na ng buhay ang kamatayan.
Subalit ang kamatayan para sa bayan ay isang bagay na di matutumbasan-
ng kung ilan pa mang kamatayan.
Sapagkat ito'y isang oportunidad na minsan lamang dumarating,
isang mailap na bisitang tanging yaong may tapang ang humaharap.
Walang silong para sa karuwagan.
Putang ina mo Berdugo, sasapit din ang araw ng pagtutuos.
Sige iputok mo, ang dinuduyang rebolber, kalabitin ang gatilyo.
Dahil ang aking galit ay galit din ng sambayanan.
At ng kung ilan pa mang dumanas ng parehong kapalaran.
Sa bungong sasabog, iguguhit namin sa letrang di mapupudpod-
ang mga talinhaga, ang kamatayan ng isa.
Sa gulagulanit na laman ay itatanim ang karet at maso,
upang magsilbing apoy na s'yang sisibol-
at aanihin ng mga naiwan at darating pa.
Silang dakila ang magtataguyod ng Rebolusyon!

0 comments:

Isigaw natin!

  © Blogger template Brooklyn by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP